top of page

Sampung Personalidad ng Panitikan, Tampok sa Susunod na Disenyo ng ProjectSaysay


Nakakasa nang ipapinta ang sampung makata at manunulat ng Pilipinas para maging susunod na disenyo ng mga poster ng ProjectSaysay, tampok-tampok ang piling mga saknong at linya mula sa akda ng bawat isa. Bahagi ang mga ito ng target na 50 dakilang Pilipino para sa istadardisasyon ng mga disenyo ng ProjectSaysay.

Ang mga personalidad na ito ay kabibilangan nina Aurelio Tolentino (Kapampangan), Francisco Balagtas (Tagalog), Isabelo de los Reyes (Ilokano at Tagalog), Iluminado Lucente (Waray), Magdalena Jalandoni (Hiligaynon), Vicente Sotto, Sr. (Cebuano), Norberto Romualdez (Waray), Cesar Adib Majul (Ingles), Mena Crisologo (Ilokano), at Carlos Bulosan (Ingles).

Tatawagin ang pangkat ng mga disenyong ito na “Pangkat Panitikan” (Literary Set). Minarapat namang ibukod ang mga personalidad na ginawaran ng Orden ng Pambansang Alagad ng Sining sa ilalim ng “Pangkat Pambansang Alagad ng Sining,” katambal ng “Pangkat Pambansang Alagad ng Siyensya.” Lumilikom pa ng pondo ang ProjectSaysay upang makumpleto ang “Pangkat Panitikan” bago ang Buwan ng Panitikang Pilipino sa Abril 2019.

Sinikap ng ProjectSaysay na irepresenta ng bagong pangkat na ito ang iba’t ibang pamayanang kultural ng bansa. Gaya halimbawa ni Majul, na isang historyador at Ibanag na balik-Islam, para katawanin ang mga Pilipinong Muslim; sina Tolentino at de los Reyes para sa makabayang panitikan noong panahon ng mga Amerikano; at Bulosan para sa mga Pilipinong expat.

Sa yaman ng panitikan ng bansa, maaaring madagdagan pa ang “Pangkat Panitikan” sa mga susunod na panahon.

Nakasulat sa Filipino ang mga disenyong ito, na siyang wikang opisyal ng ProjectSaysay sa mga poster na ipinamamahagi ng libre sa mga paaralan ng bansa. Tinatawag itong “DepEd Series.” Ingles naman ang gamit sa mga poster na ipinamamahagi sa labas ng bansa na tinatawag na “Sentro Rizal Series.” Asahan din na maisasalin ang mga bagong disenyo na ito sa iba’t ibang wika ng bansa, kasama ang 25 nauna nang mga disenyo. Pananatiliin naman na nasa orihinal na wika ng mga may-akda ang mga hinalaw na mga kataga kung ibabahagi sa mga paaralan na sinasalita ang partikular na wika.

Bukod sa mga historyador, kasama rin sa ProjectSaysay ang mga kaibigang eksperto sa panitikan ng Pilipinas at mga wika ng bansa. Tagapayo sa wikang Filipino sina Dr. Aurora Batnag ng Pamantasang De La Salle (na siyang nag-standardize sa kalidad ng salin ng ProjectSaysay mula 2013) at Dr. Vim Nadera ng UP Kolehiyo ng Arte at Literatura; sa wikang Kapampangan naman ay sina Roilingel Calilung ng University of the Assumption San Fernando at Adrian Lee Magcalas ng Holy Angel University sa Angeles; Michael Carlos Villas ng University of the Visayas para sa wikang Waray; sina Dr. Randy Madrid at Ruchie Mark Pototanon, kapwa ng UP Visayas sa Iloilo, para sa mga wikang Hiligaynon at Karay-a; Lourdes Bilowan para sa wikang Henanga ng Mayoyao, Ifugao; Victor Dennis Nierva ng Ateneo de Naga University para sa wikang Bikolano Central; Hobee Sy ng UP Departamento ng Kasaysayan para sa wikang Espanyol; at Ephraim Domingo para sa wikang Ingles.

Dati nang may salin sa wikang Kapampangan, Henangan, T’boli, Bikolano, Hiligaynon, at Waray. Sa pagbabagong anyo ng mga disenyo at pagdami ng tampok na mga winika at aral, pagsasalin ang magiging tuon ng ProjectSaysay sa mga susunod na buwan.

Ang ProjectSaysay ay isang pribadong samahan na may misyong palaganapin ang diwa’t aral ng mga dakilang Pilipino sa pamamagitan ng pagbahagi ng napapanahon, kapakipakinabang, at nakakapukaw-damdami’t isip na mga impormasyon halaw mula sa kasaysayan ng bansa sa mga pamamaraang tulad ng sumusunod: [1] magpamahagi ng dekalidad na mga libreng poster sa mga paaralan, mapa sa loob o labas ng bansa, tampok ang mga winika at pintang larawan ng mga dakila; [2] magpakalat ng may saysay at tumpak na mga online material na shareable at angkop sa hinihingi ng panahon; at [3] lumikha ng mga gawaing tutugon sa malikhaing pamamahayag at palitang akademiko na may kinalaman sa kasaysayan at kultura. Mula nang itatag noong 2013, nakapagpamahagi na ang ProjectSaysay ng 4,363 12”x18” matte-laminated sticker on 3mm sintra poster print sa 2,055 silid-aralan at aklatan ng 182 paaralan, institusyon at tanggapan, sa loob at labas ng bansa, kabilang ang 33 Sentro Rizal sa mga embahada at konsulado ng Republika.

Featured Posts
Recent Posts
bottom of page